Search Here

Custom Search

Buhay OFW ng isang Mindanaoan

ni  Habib

Araw ng Linggo ngayon, walang boss, ibig sabihin walang trabaho masyado. Malaya na naman akong makakapanaginip ng gising. Kanina lang bago ko umpisahan ang trabaho ko (kunwari mayroon), dumungaw muna ako sa aking bintana dito sa office.

Tiningnan ang malawak na disyerto na napakaganda sa matang pagmasdan, ang hangin naman minsan ay naghuhugis korteng apa, ang mga puno ng dates na uniform ang looks, at mga mala-jet plane na sasakyan na parang ang mga driver nito ay may problema sa lovelife ng kanilang idolong artista.

Nangingiti ako hindi dahil sa wala si boss kundi dahil nagbalik sa aking alaala ang mga nakaraan ko (daydreaming?).

Actually, dalawang beses na akong nag-abroad, una noong 2005. May personal akong dahilan kung bakit ako umalis sa bayan namin ni Juan, hindi para maging bayaning buhay kundi para hanapin ang aking sarili. May mga bagay kasi noon na hindi ko lubos na maintindihan, at may mga pagkakamaling nagawa na hindi katanggap-tanggap sa aking sarili o hindi ko matanggap. Masyado akong nasakal at hindi makahinga, kaya napagdesisyonan akong hanapin ang aking sarili (langya parang dialogue sa isang pelikula).

Alam mo bang dati, ayaw na ayaw kong maging OFW? Oo, ayaw ko dahil ang akala ko noon sa kanila ay mga taksil sa bayan, sa pamilya, sa mga kaibigan at sa mga syota. Pero nagkamali ako dahil ngayon ko lang naitindihan ang lahat.

Ang isang OFW ay kahanga-hanga. Lahat nang paghihirap dito ay tinitiis para lang sa isang ngiti ng kanilang mahal. Tinitiis nila ang init ng araw at init ng ulo ng mga boss para sa mumunting pangarap nila sa kanilang pamilya.

Kaya OFW, Ripley’s Believe It or Not, bilib ako sa’yo.

Ang unang punta ko rito ay parang wala lang sa akin, hindi ako seryoso. Sabi ko nga may personal akong dahilan ('wag makulit) kaya umalis ako noong 2005. Sa mga panahon na ‘yun ay marami akong natutunan sa buhay – una ay naging pasensyoso sa kapwa.

Nakaramdam ako ng pagbabago sa aking buhay, unti-unti kong naitindihan ang mga nangyayari sa buhay ko. Doon ako nagsimulang magkaroon ng pangamba sa akin hinaharap (frontal?). Kumbaga ay nagmatured na ang aking pag-iisip.

Pagkatapos ng aking kontrata ay nagdesisyon na akong bumalik sa Pilipinas kahit ang ipon ko lang ay mahigit P17,000. Natatawa ako kapag naiisip ko ‘yun…biruin mo, dalawang taon at 3 buwan akong nagtrabaho sa Saudi pero P17,000 lang ang maiuuwi ko. Teka tatawa muna ako sandali (hahaha!)

Hindi big deal sa akin ‘yun, ang importante ay babalik ako sa Pilipinas na maayos ang kalooban ko, ang utak ko, ang laman loob ko, at ang buhok ko. Nakakatuwa lang isipin na sa Maynila palang ay naubos ko na ang aking pera. Teka, tatawa lang ako ulit (hahaha!). Sorry hindi ko talaga matiis na hindi matawa,(nyahaha!).

Ang pagbabalik

Sa unang araw ko sa amin, nakaramdam ako ng pagbabago, hindi lang sa aking sarili kundi pati na rin sa mga taong nakapaligid sa akin. Parang tumaas ang tingin sa akin ng mga tao kahit hindi naman ako kataasan. Laging may special treatment sa akin sa mga okasyon na dinadaluhan ko. Feeling ko tuloy artistahin ako (shy).

Parang dumami ang mga tagahanga ko (ahem!). Lalo na ang mga matatanda, gusting-gusto nilang kwentuhan ko sila tungkol sa mga karanasan ko sa abroad habang naglalaro kami ng chess. Nakikita ko sa kanilang mga mata kung gaano sila ka-interesado sa mga ikinukuwento ko – tulad sa mga pagkain, mga klase ng tao. Hangang-hanga sila sa akin na para bang sa buwan ako nanggaling.

Ang mga bata naman ay lagi ako kinukulit dahil sa mga candies na dala ko para sa kanila. Mahilig kasi ako sa bata, mahilig akong makipag-usap sa kanila. Kahit 1 year old pa lang, kuntento na akong kausapin. Hindi kasi sila nagrereklamo kahit anong sabihin kong idea ko. Basta tatawa lang sila at yayakapin ako.

Sa mga ex-abroad naman ay nakikipagyabangan sa akin tungkol din sa mga karanasan nila dito sa Saudi. Pero talo ako kung experiences ang pag-uusapan, mas marami ata silang nakain na alikabok kaysa sa akin. Kaya Oo lang ako ng Oo sa kanila. Susumisingit na lang ako, naiisip kong minsan lang naman sila magbibida. Alam kung hindi ko sila matatalo, kaya yuko na lang ako.

Reposted from GMANews.TV (11/06/2010)

No comments:

Post a Comment