Isaakong Pinay domestic helper na unang nagpunta sa United Arab Emirates noong 2007. Hindi ko malilimutan ang unang araw na nakatutuntong ang mga paa ko sa Dubai.
Buong akala ko po ay maipagpapatuloy ko ang pagiging guro ko sa Pilipinas pero nagkamali ako. Kasi nang dumating ako dito sa Dubai, pagiging katulong ang binagsakan ko. Kahit mahirap sa loob ko ang ginawang pangloloko sa akin ng agency ko ay hinarap ko ito at ipinagpatuloy ko ang pamamasukan bilang katulong.
Naranasan ko rin ang sinapit ng iba nating kabayan na tumakas sa kanilang amo dahil sa pangmomolestiya ng kanilang amo. Limang araw palang akong naninilbihan, naranasan ko agad ang panghihipo at paghalik ng amo kong lalaki. Pumapasok siya gabi-gabi sa kuwarto namin ng mga anak niya para lang makahipo sa akin.
Sa tuwing ginagawa ng amo ko yun, nagkukulong ako sa banyo hanggang sa marinig ko ang boses ng amo kong babae at saka lang ako lalabas. Kaya lagi ako napapagalitan ng amo kong babae kasi madalas akong nagkukulong sa banyo at halos wala na akong magawa.
Dumating ang araw na nanghina ang katawan ko, iyak ako ng iyak. Nahihirapan akong huminga at hindi ako makatayo. Itinakbo ako ng amo kong lalake sa hospital. Naging maayos naman lahat pero may nararamdaman pa rin akong pananakit, hindi na ako makakilos at makatayo ng normal.
Pero hindi doon nagtapos ang kalbaryo ko, isang gabi bigla akong nagising nang maramdaman kong may nakahawak sa dibdib ko, ang amo kong lalake. Sabi niya kung masakit pa ba ang dibdib ko at hindi pa rin daw ba ako makahinga. Hindi ako makapalag, malaking tao ang amo ko. Salamat lang sa Diyos at biglang may nagbukas ng main door dahil dumating na ang amo kong babae kaya tumigil siya.
Diyembre 2007 nang nagkaroon ako ng pagkakataon na tumakas. Binalot ko ang konti kong gamit sa garbage bag. Nagsuot ako ng pantalon at t-shirts na ipinatong ko sa uniporme kong pangkatulong. Ang sabi ko sa mga bata, magtatapon lang ako ng basura. Hindi ko maintindihan ang pakiramdan ko na parang ang saya-saya ko na may halong kaba.
Binalak kong magpunta sa agency ko nung araw na yun pero madami akong narinig na masamang kuwento tungkol sa agency kaya hindi ko na ginawa. At mula noon, hanggang ngayon ay nandito pa rin ako sa Dubai at nakikipagsapalaran. Namasukan akong part-time housemaid, babysitter, waitress, minsan sa office. Kahit saan kung saan maaari akong kumita sa mabuting paraan ay ginagawa ko.
Marami akong napatunayan sa sarili ko, natuto akong maging independent, at monthly ay nagpapadala ako sa magulang ko. Nagawa ko iyan kahit wala silang alam kung anuman ang mga naranasan ko dito. Kaya lang may time na nakakaramdam talaga ako ng sobrang lungkot, sobrang homesick. Madalas ay nagtataka na lang ang mga room-mates ko kung bakit ako umiiyak. Wala ni isa sa kanila na nakakaalam na isa akong overstaying- runaway maid.
Gustong-gusto ko na sanang umuwi ng Pilipinas. Pero minsan na tumawag ako sa embassy natin sa Dubai, laging busy ang phone. Sa Philippine consulate naman ay ipinasa akong tumawag sa OWWA. Nang tumawag din ako sa OWWA sa Abu Dhabi, ang sabi ang maktutulong daw sa akin ay immigration. Nang magtanung ako dun, may nakapagsabi sa akin kapag ilegal ka ay mabuting huwag mong tangkain na pumunta doon dahil huhulihin ka at ikukulong.
May nakapagsabi rin sa akin sa OWWA na ang tinutulungan lang daw ng ay iyong mga runaway maid na 3-days at hindi katulad kong 3-years. Pagod na ako sa aking sitwasyon at sana’y dumating din ang panahon na may makatulong sa akin para makabalik na ako sa ating bansa. Salamat po. -
No comments:
Post a Comment