JEDDAH, Saudi Arabia – Sa pagkalat ng electronic mails sa Pinoy communities sa bansang ito na nagbibigay babala tungkol sa ilegal na mga gawain, muling nanawagan ang mga opisyal ng Pilipinas sa mga overseas Filipino worker (OFW) na sundin ang batas at kultura sa KSA.
Kabilang sa nakasaad sa kumakalat na email ay tungkol sa umano’y pagkakahuli kamakailan sa 23 bakla na naaktuhang naka-make-up at kumikilos na parang babae.
Nakasaad din sa email ang babala laban sa pagsasama-sama ng mga babae at lalaki sa isang lugar na hindi naman mag-asawa o magkamag-anak. Tanging magkapamilya lamang ang pinapayagan ng awtoridad sa KSA na magsama sa ibang bahay.
Ayon pa sa babala, nagpakalat ang awtoridad ng mga ahenteng iba ang nasyunalidad upang isumbong ang mga dayuhan sa kanilang bansa na sangkot sa bawal na relasyon at maging ang mga gumagamit o sangkot sa pagkakalat ng ilegal na droga.
Bagamat hindi pa nakukumpirma ng konsulado ang tungkol sa kumakalat na email, pinayuhan ni Philippine Consul General Ezzedin Tago ang mga Pilipino doon na mas makabubuting umiwas sa mga ilegal na gawain upang hindi mapahamak.
Binigyan-diin ng opisyal na dapat isipin ng mga OFW na wala na sila sa Pilipinas kung saan mas malaya ang makipagrelasyon at maituturing mas maluwag ang batas.
Idinagdag ni Tago na dapat alalahanin ng mga Pinoy na nasa Saudi na may parusang kapalit kapag napatunayang sangkot sila gawaing “immoral” na magiging dahilan para mauwiin sila Pilipinas matapos makulong at posibleng malatigo.
“Concerned kami sa mga naririnig naming report tungkol sa dumaraming pag-aresto dahil may mga involve yung usual na inuman o party, party. We just want you all to be safe to enjoy yung pag-stay niyo sa Saudi Arabia para matulungan niyo ang mga pamilya niyo,” ayon sa opisyal.
Ganoon din ang naging pahayag ng Philippine Vice Consul Roussel Reyes na umaasang hindi totoo ang kumakalat na balita kaugnay sa panibagong kaso ng pagdakip sa mga Pinoy.
Sinabi nito na magsasagawa sila ng beripikasyon tungkol sa ulat kasabay din ng paalala niya sa mga Pilipino sa KSA na huwag gumawa ng mga bagay na hindi naaayon sa batas ng bansang kinalalagyan nila.
“Iba pa rin yung nagtatrabaho tayo nang maayos para sa ating mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas. Kaya irespeto po natin ang kanilang batas, kultura at alituntunin,” pahayag ni Reyes.
Kinondena naman ni Ernie Apollo, isang OFW, ang mga kababayan na gumagawa ng labag sa batas ng KSA na nagiging dahilan para madamay umano ang mga Pinoy na maayos na nagtatrabaho doon.
“Iwasan na ang ganong klaseng problema para hindi naman nadadamay ang mga lehitimong mag-asawa sa ganoong pangyayari. Kasi ang pagkakamali ng isa, lahat ay hagip na naman pati ang legal na Filipino couples,” aniya.
Samantala, may ilan ding nakakakita ng magandang resulta sa paghihigpit ng awtoridad sa KSA lalo na ang mga Pinoy na natutukso at pumapasok sa bawal na relasyon.
Ayon kay Emma Avelino, tubong Mandaluyong, at anim na taon nang nagtatrabaho sa Saudi, magandang balita ito lalo na sa mga naiwang asawa sa Pilipinas dahil hindi na makakapagloko ang mga asawang nasa abroad.
Nanawagan din ang pinuno ng Order of the Knights of Rizal (OKOR) Riyadh Chapter na si Ronnie Ulip, na ayusin ng mga OFW ang kanilang buhay sa KSA at labanan ang matinding kalungkutan na malayo sa pamilya.
“Marami pong mga OFW ang napapahamak dahil sa kagagawan ng iba nating mga pasaway na kababayan.
Kaya iwasan po natin gumawa ng mgabagay na pagsisisihan natin sa huli,” payo ni Ulip
– Ronaldo Concha, GMANews.TV
No comments:
Post a Comment