Search Here

Custom Search

Isang kabanata sa buhay ng chikboy na OFW sa Saudi

ni Johnson

Nag-umpisa akong mag-abroad taong 1982 at nadestino sa Alkhobar bilang isang Sales Engineer. Dito medyo malungkot dahil puro trabaho, although madalas ay nasa dagat kami… either nagpi-fishing or mangunguha ng shells at alimasag.

After two years sa Alkhobar, nalipat ako sa Jeddah. Dito na naging parang normal or actually higit pa sa normal ang buhay ko. Maaaring mahirap paniwalaan at mga kasamahan ko lang ang pwedeng magpatotoo na napakaluwag sa Jeddah noon kaysa ngayon.

Noon, kahit saan ka magpunta na may kasama kang babae ay hindi ka sisitahin. In fact every Friday, ang mga bardaka ay nasa beach at naliligo kasama ang mga girlfriend nila. Nag-umpisang maging makulay ang buhay ko doon nang nakilala ko ang grupo na mga binata kuno ng Jeddah.


Meron kaming mga kabarkada na nagtatraho sa airport ng Jeddah at nang mga panahon na iton ay maraming Pinay na kinukuhang stewardess ng isang airlines sa Saudi. Ang sabi ng bakarda ko, “brod may ambagang para sa drinks at pagkain para sa get together."

Ang mga magiging bisita doon ay mga bagong recruit ng airlines. Ang sabi pa, mas marami sila (babae) kaysa sa amin kaya walang magiging agawan. Kapag dinikitan na ng isa ang nagustuhang babae, wala nang manggugulo.

Thursday night iyon at dumating ang mga girls sa bahay ng isa naming barkadang manager ng travel agency sa Jeddah. Sampu kaming lalaki, labing pito ang bagong recruit na dumating. Kagaya ng napagkasunduan, isa-isang ng nagdikitan ang grupo sa mga kursunada nila. Ako, dahil medyo bago sa samahan, manipis pa (o mahiyain).

Ang problema may dumikit sa akin na babae na may asawa na sa Pinas. Isa siya sa medyo binigyan ng pabor ng airlines kasi ang father niya ay kilala ng recruiter. Bantulot man ako ay okey na rin dahil maganda rin naman iyong babae. Nang gabing iyo ay lumabas kami at nagpunta sa mall habang ang mga kasama ko ay nasa party.

Nang bumalik kami ay may dala na siyang stuff toy na hiniling niya sa akin. Sabi ko, okey lang gumastos doon kasi hindi naman mahal. Lahat sa party eh namangha sa bilis ng mga pangyayari. Sabi ng mga barkada mabilis daw akong masyado. Pero sa loob ko, sabi ko, “ang mabilis e iyong babae."

Simula noon, ang mga barkada ang may gathering tuwing Thursday at nasa beach naman tuwing Friday. Nagbago lang ito at ang iba ay nawawala na sa gathering kapag nagkaroon ng karelasyon na iba.

Ako, hindi ko pa rin girlfriend si babae dahil alam kong may asawa siya. Ayaw kong patulan pero magkasama kami sa lakaran. Alam ito ng mga barkada at may isang nagbangit na madalas daw akong tanungin ng isang stewardess na dalaga. Bakit hindi ko raw subukang ligawan.

Noong natapos ang training nila, binigyan sila ng one week rest sa Pinas. Pero bago sila umalis, naimbita kami sa isang birthday party. Sa party, kasama ko itong babaeng may asawa at nandoon din ‘yong babaeng dalaga na sinasabing curious tungkol sa akin. Ang pagkakaalam kasi nila (galing sa mga kasama ko) e binata ako.

Napansin nitong may asawa na ibinabaling ko ang atensiyon ko which was being reciprocated naman ng girl. So nang natapos ang party, on the way na sa compound ng airlines, sabi nitong girl na may asawa na hindi na daw siya babalik kung hindi rin lang kami magiging mag-boyfriend. Ako naman si gago, pumayag na maging kami.

Nang magbalik na sila galing sa Pinas, nandoon siyempre sa airport ang barkada para sumalubong. May dala pa akong rosas na tinanggihan namang kunin nitong babae na may-asawa. Na-guilty yata nang nakauwi ng Pinas at nakasama ang mister.

Sabi ko good riddance. Pwede ko ngayong habulin iyong dalaga pero may boyfriend sa Pinas. Naging girlfriend ko siya kahit bago pa niya ako sagutin ay sinabi ko na may asawa na ako. Sa panahon na may relasyon kami, lalo akong humanga sa kanya.

Tuwing lumilipad siya papuntang Pinas, binibilhan niya ng pasalubong ang family ko at binibigay niya ito sa kapatid ko. Sinasabi niya na ako ang nagpadala. Wala raw siyang balak sirain ang pamilya ko. Bago matapos ang isang taon, ginawa silang Manila base at dumalang na ang pagkikita namin. Kalimitan hangang Riyadh lang sila galing at pabalik ng Pinas. Minsan na lang sila napupunta ng Jeddah.

Sumunod na ay dumating ang mga bagong recruit ng airlines at nagkaroon ako ng pangalawa. Itong isang ito, napakabilis. May anak siya sa pagkadalaga. Alam niya na may kasamahan siya sa airlines na girlfriend ko. Pero iyong isa, walang alam tungkol sa kanya.

Minsan tinanong ako nung babaeng dalaga kung kilala ko raw itong si babaeng may anak sa pagkadalaga dahil iniirapan daw siya kapag nagkakasalubong sila. Hindi naman daw niya makompronta kasi head stewardess ng ate nitong pangalawa. Ang sagot ko, hindi.


Nang magbakasyon ako, isinabay ng pangalawa kong girlfriend ang bakasyon niya. Nasa economy ako at siya naman sa business class. Pero hindi nagtagal ay lumipat siya sa tabi ng upuan ko. Ang problema, may kaibigan na flight attendant ang unang girlfriend ko sa flight na iyon – huli ako.

Nang nasa airport na kami, habang tinutulungan ko si pangalawa sa kanyang mga gamit, laking gulat ko nang sinalubong ako ni unang girlfirend. Hindi lang iyon ang eksena… nasa labas naman ang misis ko.

Wala akong nagawa kundi iwan si second girlfriend at hinabol si una para magpaliwanag. Pero ayaw na niyang makinig. Lumabas na ako ng airport para makita naman ang asawa ko. Pagbalik ko sa Saudi, ayaw na akong kausapin ng babaeng may anak sa pagkadalaga at naghanap na siya ng kapalit ko. Pero si first girlfriend ay mabait at tinanggap ang paliwanag ko.


Nagdaan ang panahon, sinabihan ako ni una na magpapakasal na sila ng boyfriend niya. Niyaya na raw siya at hindi na siya puwedeng tumangi. Pinayuhan niya ako na tumigil na sa kalokohan ko at atupagin na lang ang pamilya ko. Para daw maalala niya ako, isang araw lang ang pagitan ng kasal niya sa anniversary ng kasal ko.


Pakiusap lang niya, huwag akong magpapakita sa kasal niya at baka maiyak siya at magmukhang kawawa ang asawa niya. Dumalo pa rin ako pero tinanaw ko lang ang kasal ng babaeng naging bahagi ng isang kabanata ng buhay ko bilang OFW sa Saudi.

***
Dumalo ako at tinanaw ko ang kasal ng babaeng naging bahagi ng isang kabanata ng buhay ko Saudi. Simula noon hindi na kami nagkita, tinupad namin ang usapan na hindi namin bibigyan ng dahilan na masira ang aming mga pamilya. Balita ko, siya kasama ang asawa niya ay nagmigrate sa isang bansa at maganda na ang buhay nila ngayon.

Ako, tinupad ko ang pangako na hindi na maglalaro. Nagpapasalamat na sa lahat ng pinagdaanan ko, hindi ito nabalitaan ng misis ko na pagmumulan ng pagkasira ng relasyon naming mag-asawa. Mahabang panahon na ang nakalipas, bagamat hindi ko pinagsisihan itong kabanata ng buhay ko, I was lucky to come out na walang naging problema.

Intact ang pamilya ko na kasama ko sa hirap at ginhawa. Sa mga kababayan natin na pumapasok sa ganitong relasyon, sana isipin ninyo na ako ay swerte lang na makalabas sa ganitong situation ng maayos. Kaya tayo umalis ng Pinas para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya natin. Marami sa mga kasama ko ang napariwara na naging dahilan ng paghihiwalay nila sa kanilang mga asawa at sinamahan ang mga naging girlfriends nila. Nasira ang pagasa ng pamilya nila na sa pag alis ng ama ng tahanan, magandang bukas ang makakamit nila."

Reposted from  GMANews.TV (10/26/2010)

No comments:

Post a Comment