Mahal na Bagong Pangulong Noynoy Aquino:
Ako po na isang OFW ay nagpapahayag ng suporta sa inyong layunin sa maibalik ang nawalang dignidad ng ating bansang Pilipinas sa nagdaang mga panahon. Ako po ay naniniwala na ang isang administrasyon na nag-umpisa sa mali ay mananatiling mali hanggang sa kahuli-hulihang segundo ng panunungkulan nito. At ito nga po ang nahayag at naganap sa mahigit na siyam at kalahating taon sa ating Inang Bayan na Pilipinas.
Masasabi ko pong sa wakas ay natamo na nating muli ang kalayaang huli nating natamasa noong ika-12 nang Hunyo 1898 sa pamamahala ni General Emilio Aguinaldo. Ako ay napilitang mangibang bansa noong 2006 dahil sa nakaambang kawalan ng trabaho o hanapbuhay sa pagtatapos ng aking kontrata sa pinapasukan kong kumpanya. At sa aking pananaw na sa pangingibang-bayan ay matutugunan ang mga pangangailangang pinansiyal ng aming pamilya na hindi maaaring matugunan ng anumang trabaho sa ating bansa.
Sa kabila ng magiging kalungkutan, pagtitiis o sakripisyo na mararanasan sa pangingibang bansa ay hindi ito naging balakid sa aking solidong pasya na tumuloy at malayo sa kanila. Sapagkat ito lang ang magiging katugunan sa maaaring paghihirap na mararanasan namin kung mananatili ako sa pakikipagsapalaran sa Pilipinas nang panahong iyon.
Pagkalipas ng mahigit na dalawang taon na malayo sa aking pamilya ay natapos din ang aming pagtitiis. Sapagkat sa maikling panahon na iyon ay muli kaming nagkasama-sama ngunit hindi sa ating bansang Pilipinas na aming sinisinta. Sa halip, kami ay nagkasama-sama sa dayuhang bansa na nagbigay sa amin ng pag-asa upang mabuhay na hindi salat sa anumang pangangailangan namin sa araw-araw.
Napagdesisyunan naming mag-asawa na manatili na at ituloy ang aming pamumuhay kasama ng aming mga anak dito sa bansang aming kinalalagyan ngayon. Pagkatapos ay kami na lamang ang umuuwi taon-taon sa Pilipinas upang magbakasyon at makapiling muli ang aming mga mahal sa buhay na nananatili sa ating pinakamamahal na bansa.
Masakit man sa amin ay wala kaming magagawa na talikuran pansamatala ang bayang aming sinisinta kapalit ng masasabi nating buhay na maginhawa. Sapagkat kung kami ay magtitiyaga lang sa ating bansa e malamang wala rin kaming mapapala habang ang Pilipinas ay lugmok at ‘di pa nakakaahon sa matinding pagkadukha.
Ang aming panawagan sa ating Mahal na Pangulong Noynoy Aquino na sana’y isulong at isakatuparan niya ang layunin ng kanyang administrasyon na “WALANG MAHIRAP” kung “WALANG CORRUPTION.” Sapagkat hindi lingid sa kanyang kaalaman ang nagiging dahilan ng marami nating kababayan — kabilang na ang aming pamilya — na napipilitang mangibang bansa ay para magtrabaho.
Kasunod nito ay piliin na rin na doon na manirahan kaysa manatili sa sariling bayan na laganap ang kahirapan, walang hustisya, mabagal ang proseso ng mga ahensiya, kasama na ang katiwalian. At ang mga kawani ng gobyerno — nasa mababa man o mataas na posisyon — imbes na maglingkod sa mamamayan ay sila pa mismo ang nagiging hadlang at nagpapahirap sa nakararami.
Sa ganitong sistema ng ating bansa ay hindi malayong mas piliin ng maraming propesyunal at mga skilled workers na gamitin ang kanilang husay sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan.
Ang mga OFW, kasama ang buo naming pamilya ay muling umaasa na sa ilalim ng panunungkulan ng bagong halal na Pangulo ng Bayan ay matutupad at muling maibabalik ang naglahong pangarap ng sambayanan. Dili’t walang iba kundi ang pag-asang mabago, maiangat ang ating nakalugmok na bansa sa kahirapan at muling kilalanin ang Pilipinas sa buong mundo – hindi lamang sa husay ng mga Pilipino kundi sa kaayusan ng pamumuno ng mga nakaupo sa gobyerno.
Ito na ang oras ng pagbabago. Ang oras upang ibalik ang tiwala ng sambayanan sa gobyerno at ang dangal ng ating Inang Bayang Pilipinas. Mabuhay po kayo mahal na Pangulong Noynoy Aquino at God bless you!
P.S.
Sana naman po ay pagtuunan n’yo ng pansin ang mga kababayan nating may mga suliranin at kaso dito sa Saudi Arabia at kami ay umaasa na kayo ay makabisita. Sana po mga Kapuso ay inyong mailathala ito at maiparating sa Mahal na Pangulong Noynoy Aquino ito. Nais ko rin sanang hilingin kay Ms. Kara David ng OFW Diaries ay mag-cover naman at mag-documentary dito Saudi Arabia.
Solid Kapuso po kami at we always watching GMA Pinoy TV sa Orbit. God bless po sa inyong lahat at more power.
Thanks and regards,
Gary Bangit Vasquez
Shared via GMANews.TV
No comments:
Post a Comment